Mga ahensya ng gobyerno na bigong maidepensa ang panukalang 2022 budget, posibleng makaltasan

Posibleng makaltasan ng budget ang mga ahensya ng gobyerno na bigong madepensahan ang kanilang panukalang pondo sa ilalim ng 2022 national budget.

Ito ang babala ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap sa harap ng nakatakdang pagsisimula ng budget deliberations para sa P5.024 trilyong panukalang pambansang pondo.

Bukod dito, may mga batikos din sa prayoridad ng Ehekutibo sa mga popondohan, gaya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na mayroong alokasyong P21.8 bilyon at P8.6 bilyon naman para sa intelligence and confidential expenses para sa susunod na taon, gayung ang ibang tanggapan ay may mababang alokasyon.

Sinabi ni Yap na nasa mga ahensya na ang “burden” para mapatunayan sa Kongreso na nararapat sila sa alokasyong inilalaan para sa kanila.

Ani Yap, kailangang ma-justify nang mabuti ng NTF-ELCAC, maging ng iba pang ahensya kung dapat ba talagang taasan ang kani-kanilang pondo, maipaliwanag kung saan ito gagamitin, at kung makakatulong ba ito lalo na sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ang mga mambabatas naman aniya ang magpapasya kung katanggap-tanggap ang mga paliwanag ng mga ahensya upang maipagkaloob sa kanila ang budget, pero kung hindi, kaltas ang aabutin ng mga pondo.

Read more...