SALN ni Pangulong Duterte hinahanap ni Sen. Leila de Lima
Kaipokritohan, ayon kay Senator Leila de Lima, ang pagkalkal ni Pangulong Duterte sa mga naging ulat ng Commission on Audit (COA) sa Deparment of the Interior and Local Government noon panahon ni dating Secretary Mar Roxas at maging sa Department of Justice na pinamunuan din ng senadora sa ilalim ng administrasyong-Noynoy Aquino.
Buwelta ni de Lima dapat ay ilabas ni Pangulong Duterte ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Hinamon pa niya ito na magsampa ng mga kaso sa Ombudsman base sa mga ulat ng COA at tiwala siya na hindi ito magagawa ni Pangulong Duterte sa katuwiran na naayos at sarado na ang mga ito.
“Walang nagsisigaw sa aming dalawa sa telebisyon na winarak kami ng COA. At lalong hindi namin sinabihan ang COA na doktorin o “i-reconfigure” nila ang report nila. Hindi katulad ng iba diyan na daig pa ang telenobela sa hapon kung magdrama at magbanta laban sa COA,” diin ni de Lima.
Aniya, taon-taon ay inilalabas ng mga miyembro ng gabinete ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino ang kanilang SALN.
“Duterte, huwag ka nang magturo. Buking na buking ka na. Huwag ka nang mandamay at mag-akusa sa iba ng mga pinaglipasan nang mga isyu at luma nang mga paratang na hindi naman sinampa sa mga korte dahil nga wala namang basehan,” sabi pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.