Panukalang “Hidilyn Diaz Act” lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara
Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang naglalayong mailibre sa buwis ang mga reward, cash gift o incentives at kahalintulad na matatanggap ng mga nanalong national athletes at coaches sa mga international sports competitions.
Sa viva voche na botohan, mabilis na inaprubahan sa 2nd reading ang House Bill 9990 o ang panukalang “Hidilyn Diaz Act”, na ang inspirasyon ay si Olympic Gold Medalist at weightlifting champion Hidilyn Diaz.
Bago ang botohan, nagkaroon muna ng sponsorship speech ang isa sa mga ponente ng panukala na si House Ways and Means committee chairman Joey Salceda.
Kapag naging ganap na batas ang panukala, magiging exempted sa pagbabayad ng donor’s tax at iba pang taxes, fees at charges ang lahat ng uri ng cash gifts na matatanggap ng national athletes at coaches na mananalo ng bronze, silver at gold medal mula sa international sports competition.
Sakop nito ang Olympics, ASEAN games, Asian games, Youth Olympic games, Paralympic games at iba pang international sports competition.
Isinusulong na gawing retroactive ang tax exemption ng mga mananalong atleta mula January 2021 hanggang sa ginanap na 2020 Tokyo Olympics.
Pinaglalatag din ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ng safety measures upang matiyak na naibigay ng buo ang cash incentives sa nanalong manlalaro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.