Grupong #NoTo174DumagueteCoalition nangangambang maging probinsya ng China ang Dumaguete City
Pumalag ang #NoTo174DumagueteCoalition sa isinusulong na reclamation project ng lokal na pamahalaan ng Dumaguete City na Smart City.
Ayon kay Leodegario Gary Rosales, co-convenor ng #NoTo174DumagueteCoalition, nangangamba ang kanilang hanay na maging probinsya ng China ang Dumaguete.
Paliwanag ni Rosales, kinuha kasi ng lokal na pamahalaan ng Dumaguete ang EM Cuerpo Incorporated para sa P23 bilyong project na Smart City. Bilang tugon, kinuha naman ng EM Cuerpo ang Poly Changda Overseas Engineering Company na nakabase sa Guangdong, China bilang contractor kahit na walang license to operate.
Ayon kay Rosales, kapag itinuloy ang proyekto, sasampahan ng kanilang hanay ng patong-patong na kaso ang mga opisyal ng Dumaguete City government.
Bukod sa Ombudsman, maghahain din ng reklamo ang kanilang hanay sa Department of the Interior and Local Government at sa Civil Service Commission laban sa mga opisyal ng Dumaguete City government.
Ayon kay Rosales, makasisira kasi sa kalikasan ang pagtatayo ng Smart City sa 174 ektaryang shoreline ng Dumaguete.
Seafront kasi ang pagtatayuan ng proyekto na mayaman sa marine life.
Ayon kay Rosales, geological hazard ang proyekto dahil matatabunan ang coastline at tiyak na maapektuhan ang food security ng ilang bayan.
Nabatid na ang Smart City project ay pagtatayuan ng mall, condominiums, hospitals, business hubs, sports facilities at docking port.
Bukod sa pagkasira sa kalikasan, nangangamba rin ang grupo na mawawalan ng hanapbuhay ang may 1,000 rehistradong local fishermen at 200 spear fishers.
Kinukwestyun din ng grupo ang kawalan ng transparency sa proyekto na ipinasok sa ilalim ng private-public Partnership program.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.