PNP-IAS, mag-iimbestiga sa pagkamatay ng isang magsasaka sa Marinduque
Nagsasagawa na ng pre-charge investigation ang Provincial Internal Affairs Service sa umano’y pagkakasangkot ng isang pulis sa pagkamatay ng isang magsasaka sa Buenavista, Marinduque.
Base sa ulat, nabaril umano ni PCpl Jay Anthony Custodio ang biktimang si Alberto delos Reyes sa isang anti-illegal logging operation noong July 13.
Sinabi ng pamilya na nasaksihan umano ng 10 taong gulang na anak ng biktima ang pagkakabaril sa kanyang ama.
Maliban sa kasong murder, nahaharap din sa kasong administratibo si Custodio at ang dating officer-in-charge ng Buenavista Municipal Police Station na si PLt. Marson Lontoc.
Saad naman ni Custodio, self-defense ang kaniyang ginawa. Wala aniya siyang intensyon na patayin si Delos Reyes at nais lamang niyang mahinto ang pag-atake ng biktima ng bolo.
Sa ngayon, inalis sa pwesto at na-reassign si Custodio sa Marinduque Provincial Police Office, sa ilalim ng restrictive custody, habang hinihintay ang imbestigasyon sa insidente.
“A thorough investigation is still being conducted to determine the extent of the administrative liability of the accused police officer,” pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar.
Dagdag nito, “Inatasan ko na ang IAS na tingnang mabuti ang insidenteng ito. Sa ngayon, hayaan nating gumulong ang imbestigasyon sa kaso.”
Tiniyak naman ng hepe ng pambansang pulisya sa pamilya ng biktima na lalabas ang katotohanan sa imbestigasyon at makakamit ang hustisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.