Bahagi ng ikakasang protesta ng healthcare workers ang malawakang pagbibitiw sa trabaho kapag hindi pa rin naibigay sa kanila ang special risk allowance (SRA) hanggang sa darating na Setyembre 1.
Ito ang sinabi ni Maristela Abenojar, president ng Filipino Nurses United (FNU).
“Sa tingin ko, isa na iyan sa magaganap. Ang mga kasamahan natin talaga namang frustrated na dahil walang nangyayari. Ang iba sa kanila ay gusto na talagang mag-resign,” aniya.
Sinabi pa niya na marami ng nurse ang nagbitiw at naghanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa dahil sa mababang suweldo at hindi maayos na kondisyon na pagta-trabaho.
Nabanggit din ni Abenojar na ang banta ng mass resignation ay bunga na rin ng hindi pa pagbibigay ng umento na higit isang taon na nilang hinihintay.
Kahapon ay sinimulan nila ang kanilang ‘countdown’ hanggang Setyembre 1 para maibigay na sa kanila ng Department of Health ang matagal na nilang hinihintay na mga benepisyo.
Noong Sabado, binigyan ni Pangulong Duterte ang Department of Budget and Management ng 10 araw para asikasuhin ang pondo para sa mga benepisyo ng healthcare workers.