Ipagpapatuloy ng LRT-2, MRT-3, at Philippine National Railways (PNR) ang pagbibigay ng libreng sakay sa Authorized Persons Outside of Residence (APORs) na bakunado laban sa COVID-19 sa mga piling oras.
Ayon kay Transporation Secretary Art Tugade, makakalibre sa pamasahe ang mga bakunadong APOR sa LRT-2 at PNR tuwing off-peak hours.
Libre naman ang pamasahe ng mga APOR sa MRT-3 tuwing peak hours.
Nilinaw ng kalihim na ang limitadong pagpapatuloy ng Free Rides for Vaccinated APORs Program ay ipatutupad lamang sa kasagsagan ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila hanggang August 31, 2021.
“Any further extension of the free ride program for vaccinated APORs will be later re-evaluated depending on changes in the quarantine status of Metro Manila, and the operational requirements of the rail lines,” pahayag ni Tugade.
“This free ride program aims to encourage more APORs to get vaccinated especially now that new and more transmissible variants of COVID-19 are emerging,” dagdag nito.
Samantala, umapela muli ang kalihim sa mga APOR na istriktong sundin ang physical distancing at iba pang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit habang nasa loob ng public transport vehicles at stations.
Mayroon aniyang transport marshals ang lahat ng tren para masigurong nasusunod ang health protocols at matukoy ang mga APOR.
Pinayuhan ni Tugade ang mga APOR na ihanda ang pagpapakita ng dokumento bilang patunay na sila ay APOR.