Mga tiwaling opisyal papanagutin-Senador Bong Go

By Chona Yu August 21, 2021 - 04:05 PM

Suportado ni Senador Bong Go ang ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa P67 bilyong COVID fund ng Department of Health.

Ayon kay Go, pursigido si Pangulong Rodrigo Duterte na habulin at papanagutin ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan.

“Sa kabila ng mga nagsisilabasang isyu hinggil sa paggamit sa pondo ng taumbayan, let me reiterate that my position against graft and corruption has been firm and consistent since day one — President (Rodrigo) Duterte and I will never tolerate any form of it,” pahayag ni Go.

“Kahit sino ka man, kahit saan ka man nanggaling, kahit tumulong ka pa noong election kay Pangulong Duterte, basta may korapsyon o anomalyang mapatunayan ay dapat kang managot,” dagdag ni Go.

Sinabi pa ni Go na wala silang sinasanto ni Pangulong Duterte kahit kaalyado pa ang nasangkot sa katiwalian.

“Ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Duterte ay isang malinis na gobyerno. Hindi kami papayag na sirain ito ng iilang may masamang hangarin. Tuloy-tuloy lang at hindi po titigil ang kampanya namin ni Pangulong Duterte laban sa korapsyon. Kahit sino ka pa, walang lugar ang korapsyon at katiwalian sa gobyerno,” pahayag ni Go.

“Pareho kaming galit sa mga magnanakaw. Walang lugar sa administrasyon ang mga corrupt na opisyales na nananamantala sa mga mahihirap na Pilipino, lalo na sa panahon ngayon na kung saan ang bawat piso ay napakaimportante,” dagdag ni Go.

Kasabay nito, umapela si Go sa publiko maging sa mga mambabatas na hanapin ang katotohanan at huwag agad na maghusga.

“Minsan ay hindi na nagiging malinaw kung ano ang totoo sa kung ano ang haka-haka lang … Base sa mga napag-usapan sa nakaraang hearing sa Senado, talagang kailangang busisiin pa ang mga naging COA initial findings upang lumabas ang katotohanan. Kung mapatunayang may nasayang, nawala, o nanakaw na pondo ng bayan, dapat kasuhan agad at ikulong,” pahayag ni Go.

“Apela ko rin sa lahat ng may kinalaman sa paggasta ng pondo ng bayan, dapat magpaliwanag kayo nang maayos, kumpleto at madaling maintindihan ng tao. Kapag naklaro na lahat ng mga isyu na ito, mas matututukan natin ang tunay na kalaban — ang COVID-19 at ang hirap at gutom na kasama nito,” he added.

Nadawit na rin sa kontrobersiya ang dating opisyal ng Department of Budget Management na si Christopher Lao na sinasabing aide ni Go.

“Ako po ay isang senador na noon pang 2019. Marami na po akong nakatrabaho sa gobyerno. Hindi porket nakasama kita sa trabaho noong 2016 ay aide ko na agad,” pahayag ni Go.

“Pero kapag napatunayang pumasok ka sa corruption o katiwalian kahit saang opisina ka pa, pasensyahan tayo, hindi namin palalampasin ni Pangulong Duterte ito. Mananagot ka sa kasalanan mo sa gobyerno at sa mga Filipino,” dagdag ng senador.

 

TAGS: korupsyon, Pangulong Duterte, Senador Bong Go, tiwaling opisyal, korupsyon, Pangulong Duterte, Senador Bong Go, tiwaling opisyal

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.