#IsangPH napanatili ang lakas habang binabagtas ang Philippine Sea

Napanatili ang lakas ng Tropical Depression Isang habang binabagtas ang Philippine Sea.

Sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 890 kilometers Silangan ng extreme Northern Luzon dakong 4:00 ng hapon.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers per hour sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran.

Sa ngayon, walang lugar sa bansa na nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal.

Base sa forecast track, mananatiling malayo ang sama ng panahon sa kalupaan sa bansa sa buong forecast period.

Inaasahang kikilos ang bagyo pa-Hilagang Kanluran hanggang Sabado ng umaga, August 21, at saka magtutungo sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa Sabado ng hapon.

Sinabi ng PAGASA na maaring lumakas ang bagyo at maging tropical storm sa Sabado ng hapon.

Posibleng lumabas ang bagyo ng teritoryo ng bansa sa Linggo ng umaga o hapon, August 22.

Read more...