“Trial by publicity” kay dating CJ Corona, dapat magsilbing aral ayon kay Atty. Karen Jimeno

By Dona Dominguez-Cargullo April 29, 2016 - 09:52 AM

Renato-CoronaDapat magsilbing aral sa lahat ng Pilipino ang dinanas na trial by publicity noon ni dating Chief Justice Renato Corona at kaniyang pamilya.

Ito ang sinabi ni Atty. Karen Jimeno, isa sa miyembro ng defense team noon ni Corona.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Jimeno na may probisyon sa Saligang Batas ang ‘due process’ kaya nangangahulugang bawat isa ay dapat mapagkalooban nito.

Wala naman aniyang problema kung ang isang gobyerno ay talagang pursigidong labanan ang korapsyon o katiwalian pero ang lahat aniya ay may obligasyong respetuhin ang rule of law.

“Yung trial of publicity, sana matuto ang Pilipino sa naging karanasan. Maganda ang fight against corruption ok yan but we have the obligation to respect the rule of law,” sinabi ni Jimeno.

Umaasa si Jimeno na hindi na mauulit sa kahit na kanino ang dinanas na public trial ni Corona at kaniyang pamilya.

Dapat aniyang matuto ang lahat na hindi dapat nanghuhusga hangga’t hindi tiyak sa merito ng kaso.

“Ang due process ay nasa konstitusyon natin at ibigay natin iyan sa lahat ng tao. Sana hindi na maulit sa kahit na sinong pamilya yung public trial na nangyari kay CJ Corona and his family na,” dagdag pa ni Jimeno.

Samantala, sinabi ni Jimeno na siya at ang iba pang miyembro ng defense team ni Corona ay nagulat at nalungkot nang madinig ang balitang pumanaw na ang dating punong mahistrado.

Ani Jimeno, noong huling pagkikita nila ni Corona ay maayos naman ang kondisyon nito. Bagaman pumayat ay healthy pa rin aniyang tignan si Corona lalo pa at nakakapag-ehersisyo na ito.

Sa kabila ng sinapit ng dating punong mahistrado, sinabi ni Jimeno na mabuting alalahanin si Corona bilang isang public servant na may mahabang panahon ng paninilbihan sa gobyerno, kasama na ang pagiging punong mahistrado na hindi naman maitatangging napakalaking accomplishment.

 

TAGS: Corona and family victim of trial by publicity, Corona and family victim of trial by publicity

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.