Ex-DBM official nanindigang hindi overpriced ang biniling face mask, face shield para sa DOH
Nanindigan si dating DBM procurement service head Usec. Lloyd Christopher Lao na hindi overpriced ang mga binili ng face mask at face shield para sa Department of Health (DOH) at kung bakit inilipat umano ng DOH sa DBM ang pondo para rito.
Sa Laging Handa public briefing, nilinaw ni Lao na walang overpriced na nangyari dahil noong panahong unang pumutok ang COVID-19, sadyang mataas ang presyo ng face mask na nasa P27.72 kada isa habang ang face shield ay nasa P120.
Ayon kay Lao, kung tutuusin, noong mga panahong iyon, may problema sa supplies dahil nasa mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang bansa, wala talagang mga bukas na industriya at maging ang transportasyon ay natigil.
Nagpatulong na nga rin aniya sila noon maging sa Department of Foreign Affairs (DFA), mga embahada at konsulada para makahanap ng supplier sa ibang bansa subalit sadya aniyang maging ang mga eroplano at barko ay hindi makabiyahe.
Kung tutuusin pa nga aniya, ang presyo noon ng face mask at face shield na nakuha nila ay ang pinakamura na dahil ang ibang nag alok noon ay nasa P30 kada piraso ang face mask habang nasa P250 hanggang P300 kada isa ang face shield.
Pero habang dumaraan aniya ang panahon at dumarami na rin ang gumagamit ng face mask at face shield, saka pa lamang bumababa ang presyo nito, hanggang sa tuluyan na ngang nagbagsak presyo ngayon.
Samantala, sa isyu naman ng kung bakit inilipat ng DOH sa PS-DBM ang P42 bilyong pondo pambili ng supplies, sinabi ni Lao na hindi naman sa DBM mismo ibinalik ng DOH ang pondo kundi sa procurement service, na isang specialized agency ng DBM na nakatuon ang trabaho sa pagbili talaga ng tinatawag na common supplies ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan.
Paliwanag ni Lao, ang face mask, face shield, alcohol at iba pang supplies na kinailangan ng DOH ay na-classify bilang common goods items kung saan may authority ang procurement service para ito bilhin.
Ayon pa kay Lao, hindi lamang naman DOH ang nagpapabili sa kanila ng common goods items tulad ng coupon bond, paper clip, folders at iba pa kundi lahat ng ahensiya ng gobyerno maging ng mga lokal na pamahalaan.
Ang trabaho aniya ng procurement service ng DBM ay para mabawasan na ng bigat ng tungkulin ang mga ahensiya ng gobyerno na hindi naman nila main function, kaya ipinauubaya ito sa procurement service na siyang specialized agency na nag-aasikaso talaga para sa ganitong mga gawain.
Binigyang diin din ni Lao na kapag common goods items ang bibilhin, hindi naman talaga ito kailangan pa ng memorandum of agreement.
Tanging ang mga malalaki at hindi pangkaraniwang supplies o not common use items aniya ang idinadaan sa MOA, halimbawa aniya ay mga tren na kailangang bilhin ng Department of Transportation (DOTr) at iba pang mga katulad na supplies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.