Handang umasiste ang Philippine National Police (PNP) upang masigurong magiging maayos ang voter registration sa bansa para sa 2022 national and local elections.
Siniguro ito ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar kasunod ng pagpapalawig ng Commission on Elections (Comelec) ng registration hours para mas marami pang indibiduwal ang ma-accommodate na nais magparehistro sa gitna ng pandemya.
“Bahagi ito ng aming responsibilidad tuwing election season na tiyaking maging maayos at matiwasay ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa halalan, mula sa registration ng mga botante hanggang sa pagdeklara ng mga nanalo,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag pa nito, “Ngayong kakaiba ang ating sitwasyon, kailangan din siguruhin ng PNP na nasusunod ang minimum public health safety standards at quarantine protocols sa mga registration sites.”
Inatasan ng hepe ng PNP ang mga lokal na pulis na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ukol sa voter registration.
Pinaalalahanan din ang police commanders na ipatupad ang strategic at balanced deployment ng mga tauhan, kasabay ng deployment sa vaccination sites.
Simula sa August 23, ipatutupad na ang bagong voter registration schedule.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.