Inanunsiyo ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang pagdating ng karagdagang donasyon sa Pilipinas na isang milyong doses ng Sinopharm COVID-19 vaccine.
Ayon kay Huang ang mga bakuna ay darating simula ngayon araw hanggang bukas.
Dagdag nito, ang donasyon ay naipangako ng China upang madagdagan pa ang bakuna laban sa 2019 coronavirus ng Pilipinas.
Aniya kasunod na rin ito nang paglobo ng bilang ng mga Filipino na nahawa ng nakakamatay na sakit gayundin ang tumitinding banta ng Delta variant.
“And with the arrival of the donated Sinopharm vaccines and the substantive increase of Sinovac vaccines supply this month, our cooperation addresses the need to increase and fast-track vaccine supply and shipment,” sabi nito.
Ipinaalala pa ni Huang na ang China ang unang bansa na nagbigay ng bakuna sa Pilipinas.
Sa ngayon, 25.5 million doses ng made in China Sinopharm at Sinovac vaccines ang dumating na sa Pilipinas simula noong Marso at ito ay halos kalahati ng donasyon at biniling bakuna ng bansa.