Bilang ng mga nasawing rebelde sa Eastern Samar umakyat sa 19

(8th Infantry Division)

 

Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawing miyembro ng New People’s Army (NPA) sa operasyon ng militar sa Dolores, Eastern Samar.

Sa ngayon, 19 rebelde na ang kumpirmadong nasawi matapos matagpuan ang bangkay ng isang rebelde sa paggalugad ng mga sundalo sa masukal na bahagi ng Barangay Osmeña.

Sinabi ni Capt. Reynaldo Aragones, tagapagsalita ng Army 8th Infantry Division, nadiskubre nila ang bangkay sa tulong ng K-9 Team.

“There are now 19 confirmed slain NPA rebels after another cadaver was recovered. Two more firearms were also recovered which brought to 32 the number of firearms confiscated,” ang ibinahagi ni Aragones.

Dagdag pa ng opisyal ang mga bangkay ay unang dinala sa 52nd Infantry Battalion Headquarters sa bayan ng Oras at ibibilin sa mga lokal na opisyal.

Magugunita na noong nakaraang Lunes, nasorpesa ng mga sundalo ang mga rebelde habang gumagawa ng mga pampasabog at 16 ang agad na nasawi.

Read more...