China, may banta kaugnay sa kaso ng Pilipinas laban sa kanila sa The Hague
Hinimok ng China ang iba pang mga bansa sa Southeast Asia na mas piliin ang diplomatikong pakikipagdayalogo para maresolba ang anumang isyu ng agawan sa teritoryo.
Kasabay nito, muling nagbanta ang China na may mga hindi magandang magaganap o “negative consequences” oras na manalo ang Pilipinas sa arbitration case na iniakyat nito sa The Hague, Netherlands.
Bukod sa Pilipinas, kaagaw rin ng China ang Vietnam, Malaysia at Brunei sa ilang teritoryong inaangkin nito sa South China Sea na dahilan ng ilang taon nang tensyon sa pagitan ng apat na bansa at ng China.
Isa sa mga dahilan ng pag-igting ng tensyon sa South China Sea ay ang walang tigil nilang pagtatayo ng mga artificial islands na kayang sumuporta ng mga military facilities.
Ayon kay Chinese vice foreign minister Liu Zhenmin, anumang arbitration case ay isang paglabag sa Declaration of Conduct (DOC) of Parties in the South China Sea noong 2012 na nilagdaan ng 10 bansa mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Hindi naman aniya mula sa isang international court, dahil unilateral ang ginawa ng Pilipinas ang pag-aakyat ng arbitration sa The Hague.
Tumanggi rin ang China na dumalo sa anumang pagdinig sa The Hague dahil naninindigan sila na isa itong iligal na hakbang.
Ayon pa kay Liu, dapat sundin ng mga bansa ng ASEAN ang nilagdaan nilang DOC para sa mapayapang kooperasyon sa rehiyon.
Giit niya, ang hindi pagsunod sa DOC ay magreresulta ng “negative consequences.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.