Iminungkahi ni House Committee on People’s Participation at San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes ang pagsasagawa ng Commission on Audit (COA) ng pre-audit sa public funds.
Ito ang sa tingin ng kongresista ay tugon para maiwasan na ang kontrobersiya sa audit partikular na sa findings ng COA sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ang inirerekomendang pre-auditing system ay nakapaloob aniya sa inihaing House Bill 7124 na layong maiwasan o mabawasan ang anumang pagkwestyon sa paggamit ng public funds.
Paliwanag ni Robes, bagamat mahabang proseso ang pre-audit ay malaki naman ang magagawa nito para maiwasan ang anumang iregularidad dahil ang mga proyekto at kontrata ay dumaan na sa auditing bago pa man mailabas ang mga pondo.
Sa ganito aniyang paraan ay mapoprotektahan ang kredibilidad ng institusyon gayundin ng mga naihalal at naitalagang opisyal habang nasa serbisyo.
Sa ilalim naman ng isinusulong na panukala ni Robes, sakop ng mandatory pre-audit ang lahat ng public funds patungkol sa infrastructure projects, procurement ng goods at consulting services kasama na rito ang lease of goods and real property, ng anumang branch, tanggapan ng ahensya o anumang kaugnay sa gobyerno tulad ng state universities and colleges, government-owned and controlled corporations, government financial institutions at local government governments.
Upang maiwasan naman ang anumang delay sa paglalabas ng pondo, kinakailangang mag-isyu ng COA ng Certificate of Pre-Audit sa loob ng 15 araw mula sa araw na natanggap ang mga dokumento.
Pagdating naman sa usapin ng transparency, binibigyang mandato naman ang COA na magsumite ng annual report sa Pangulo at sa Kongreso patungkol sa implementasyon ng pre-audit system.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.