Kapalpakan ng DOH sa paggamit ng pondo, paulit-ulit na lang – de Lima
Naghain pa ng resolusyon si Senator Leila de Lima para hikayatin ang Senado na imbestigahan ang mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng Department of Health (DOH) ng kanilang pondo sa pagtugon sa COVID 19 pandemic.
Ikinatuwiran ni de Lima sa paghahain niya ng resolusyon na matiyak na mapapanagot ang mga responsable.
Diin niya hindi dapat kinukunsinti ang paulit-ulit na lamang na isyu sa DOH kaugnay sa paggasta ng pera, gayundin ang mga nasasayang na pera.
“The lack of prudence and diligence on the part of the DOH should not be tolerated. Its failure to judiciously and meticulously plan and respond to the health needs of the country is unacceptable and warrants a thorough investigation to determine who are responsible,” diin ng senadora.
Binanggit nito na sa ulat ng COA noong 2019, napuna na ang higit P95,67 bilyong halaga ng mga gamot na nag-expire at malapit ng mag-expire dahil lang sa palpak na sistema sa kagawaran.
Bukod pa dito aniya ang P18.44 bilyong halaga ng mga biniling gamot mula 2015 hanggang 2018 na hindi agad naipadala sa mga pampublikong ospital at pasilidad-pangkalusugan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.