Nagsimula na ang pagboto ng 17 mayors sa Metro Manila kaugnay sa irerekomenda ng Metro Manila Council (MMC) na quarantine status simula sa Sabado, Agosto 21.
Magtatapos sa Biyernes, Agosto 20, ang dalawang linggong pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) sa kapitolyong rehiyon ng bansa.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na maaring mamayang hapon ay malalaman na ang resulta ng pagboto ng mga alkalde.
Nabatid na ang pagpipilian ay ang pagpapalawig pa ng pag-iral ng ECQ o ang pag-downgrade ng quarantine restriction.
Paglilinaw naman ni Abalos, hindi maaring isapubliko ang boto ng bawat alkalde.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na sa pagboto ng mga alkalde ay titimbangin ang ekonomiya at kaligtasan ng mamamayan base sa mga datos.
Ngunit ang mapapagkasunduan ng MMC ay irerekomenda lamang nila sa Inter-Agency Task Force (IATF), na magdedesisyon sa magiging quarantine restriction ng Metro Manila simula sa Sabado.