BFP hinamon, biglaang fire inspections para magka-alaman na

By Isa Avendaño-Umali April 28, 2016 - 04:46 PM

Kentex
Inquirer file photo

Kaugnay sa nalalapit na pag-gunita sa unang taong anibersaryo ng  Kentex fire, kinalampag ni Las Piñas Rep. Mark Villar ang Bureau of Fire Protection o BFP na magsagawa ng mga ‘unannounced fire safety inspections’ sa lahat ng mga establisimyento sa buong bansa.

Ayon kay Villar, batay sa datos ng BFP, noong taong 2015 ay nasa labing pitong libong sunog ang naitala sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Sa mga naturang mga sunog, umabot ng P3 Billion ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian, bukod pa sa maraming mga nasawi at mga nasaktan.

Kaya upang maiwasang maulit ang mga kaparehong insidente, iginiit ni Villar na palakasin ang implementasyon ng Fire Code of the Philippines.

Sa ilalim nito, mapagtutuunan ng pansin ang pagkakaroon ng fire-rated equipment na magpapabilis sa pagresponde sa mga sunog na pinatutupad na umano sa ibang mga bansa.

Pero pansamantala, sa pamamagitan aniya ng unannounced o biglaang fire safety inspections ay malalaman ang mga lumalabag sa panuntunan at kung ligtas ba para sa publiko ang mga gusali at establishemento.

May 13, 2015, naganap ang Kentex fire sa Valenzuela City na ikinasawi ng pitumpu’t apat na tao.

Ito na umano ang ikatlo sa pinakamalaki o pinakamalalang sunog sa kasaysayan ng bansa. Nanguna sa listahan ang sunog sa Ozone Disco Club noong 1996 na ikinasawi ng 162 katao; at Manor Hotel fire sa Quezon City noong 2001 na ikinamatay naman ng 75.

TAGS: BFP, kentex fire, Villar, BFP, kentex fire, Villar

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.