May binabantayang low pressure area (LPA) ang PAGASA sa labas ng teritoryo ng bansa.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Joey Figuracion na huling namataan ang LPA sa layong 2,075 kilometers Silangan ng Southern Luzon bandang 3:00 ng hapon.
Inaasahang lalakas ito at magiging bagyo sa susunod na 24 hanggang 48 oras.
Ayon pa kay Figuracion, may posibilidad na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes o Biyernes.
Sakaling pumasok sa bansa, tatawagin itong Isang.
Base sa forecast track, mababa ang tsansa na dumaan sa kalupaan ang sama ng panahon.
Ngunit paalala nito, maari pa itong mabago kung kaya’t inabisuhan nito ang publiko na mag-antabay sa kanilang anunsiyo.
Samantala, umiiral ang Easterlies na nagdadala ng mainit at maalinsangang na panahon sa buong bansa.
Ngunit sa Martes ng gabi, sinabi ni Figuracion na magdudulot ang weather system ng kalat-kalat na pag-ulan sa MIMAROPA, Bicol region, Eastern Visayas, at Quezon.
Sa nalalabi namang bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila, asahan pa rin ang maaliwalas na panahon na may tsansa lamang ng panandaliang pag-ulan bunsod ng thunderstorm.