Binatikos ni Senator Sherwin Gatchalian ang energy officials ng bansa dahil sa tila pagsasantabi sa posibilidad na magkaroon ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa panahon ng eleksyon sa susunod na taon.
Giit ni Gatchalian, hindi katanggap-tanggap ang pagsasawalang-bahala sa maaring hindi maasahang suplay ng kuryente.
“Kaya tayo merong Department of Energy ay para siguraduhing meron tayong kuryente all the time. Isa lang ang trabaho ng DOE, yan ay siguraduhin na may kuryente tayo. So, it’s unacceptable na even an iota or possibility of brownouts during the election period ay hahayaan nilang mangyari. It’s their job to address that situation,” pagdidiin ng senador.
Pinuna ng namumuno sa Senate Energy Committee ang kawalan ng malinaw na pahayag ni Energy Sec. Alfonso Cusi na matiyak na magiging sapat ang suplay ng kuryente sa susunod na taon kasunod ng posibilidad na kapusin sa mismong araw ng eleksyon.
Dapat aniya ngayon pa lang ay may ikinukunsidera ng mga solusyon at hakbangin para matiyak na walang brownouts sa araw ng halalan.
“Importante na proactive tayo. Nakita natin na tuwing summer may ganitong banta so as early as now gumagawa na tayo dapat ng paraan. For example, pinaka mabilis diyan ay scheduling. ‘Yung ating mga planta dapat ngayon pa lang nire-repair na nila, kumuha na ng spare parts, ayusin na nila para pagdating ng summer, tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente,” sabi pa ng senador.