Kabiguan ng PITC na makapagtayo ng ospital, research lab, pinasisilip rin sa Kamara
Isasama rin ng Kamara ang umano’y atraso ng Philippine International Trading Corporation (PITC) sa Department of Health (DOH) para sa mga proyektong hindi naipatupad mula pa noong 2017.
Tinukoy ni Public Accounts Committee chairman Jose Bonito Singson ang hindi naitayong ospital para sa emerging and re-emerging infectious diseases na may pondong P126 milyon mula sa DOH-RITM.
Nabanggit din ang mahigit P826 milyon para naman sa pagpapatayo ng National Reference Laboratory Building bilang suporta sa clinical laboratories para sa microbiological analysis at sa surveillance ng mga nakahahawang sakit.
Ayon sa kongresista, ang nabanggit na mga halaga ay parte ng P11 bilyong inilipat ng DOH at iba pang ahensya sa PITC para sa iba’t ibang procurement activities.
Ayon kay Singson, sinayang ng PITC ang pagkakataon para sa bansa na mas malabanan sana ang COVID-19 pandemic kung naipatupad ang naturang mga proyekto.
Iginiit nito na dapat magpaliwanag si PITC President and CEO Dave Almarinez kung magkano ang pondong para dapat sa DOH at kung magkano na ang kinitang interes nito sa bangko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.