Duda si Senator Risa Hontiveros na ginagamit ng China ang Dito Telecom para makapag-espiya sa bansa.
Ayon sa senadora, ipinagtataka niya na malaki ang biniling ‘shares’ ng ChinaTel sa Dito at aniya ito ay maaring sa pansariling interes.
“Hindi ako magtataka kung ang ChinaTel ay sadyang bumili ng stakes sa Dito Telecom para sa mas malalim ang magagawa pang-eespiya sa ating bansa lalo na at may pansariling interes ang China sa ating teritoryo,” saad ni Hontiveros.
Kayat patuloy na kinakalampag ng senadora ang National Security Council (NSC) para magsagawa ng security audit sa pangtlong major telco sa bansa.
Noon pang 2019 nang maghain si Hontiveros ng resolusyon sa Senado para masiyasat ang implikasyon sa pambansang seguridad nang pagpapahintulot ng gobyerno na makapagpatayo ng kanilang communication facilities sa mga base military sa bansa.
“Hindi kaila na ang China ay may malaking interes na angkinin ang West Philippine DSea at kung isasalang-alang ang mga aksyon ng kanilang mga barko lalo na ngayon taon, lantaran nilang ginagawa ang lahat – bumili man ng telcom o power system, para makuha nila ang atin,” dagdag pa nito.
Binanggit pa niya ang naging babala ni Queensland Sen. James McGrath ng Australia ang mga kompaniya na pag-aari ng gobyerno ng China bilang ‘Trojan Horses’ para makapagpatayo ng mga imprastraktura sa malilit na bansa sa Indo-China region.
Sa kanyang huling talumpati sa Australian Senate, iginiit ni McGrath na panahon na para harapin ang mga banta ng China partikular na ang pag-aari ng ChinaTel sa Dito.
“Many are concerned that Dito Telecommunity is a Trojan Horse for spying, including on the Armed Forces of the Philippines and its allies, the US and Australia. This should ring the alarm bells with cybersecurity experts,” sabi pa ni McGrath.