Options ni PNoy sa 2016 elections, bukas pa – Escudero

10grace-chiz2
Inquirer File Photo

Walang alukang naganap sa pulong sa pagitan ni Pangulong Noynoy Aquino at Senators Grace Poe at Chiz Escudero.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Escudero na binanggit lang ni Pangulong Aquino ang naisin niya na ang mga koalisyong sumuporta sa kaniya noon ay susuporta din sa kandidatong kaniyang ie-endorso para sa 2016 elections.

Sinabi ni Escudero na walang inalok si PNoy sinuman sa kanilang dalawa ni Poe ng posisyong tatakbuhan sa eleksyon.

“Walang pagde-desisyong ginawa, walang alok na ginawa o binigay (si PNoy), ‘yung kaniyang concerns at nais na makita niya (PNoy) sa ating bansa, iyon ang tinalakay. Inihayag lang niya ang pagnanais na ang koalisyong sumuporta sa kaniya ay manatili sa sinomang kakandidato ng administrasyon sa 2016,” ayon kay Escudero.

Naniniwala naman si Escudero na hanggang sa ngayon ay wala pang pinal na pasya ang Pangulong Aquino kung si Interior Sec. Mar Roxas nga ang kaniyang mamanukin sa pagka-Pangulo sa 2016.

Sinabi ni Escudero na ang mga pakikipagpulong ni PNoy sa kanila ni Poe at sa iba pang pulitiko ay patunay lang na hindi pa ito desidido sa susuportahang kandidato. “The mere fact na kinakausap kami at wala pa siyang ini-endorso ay hindi pa buo ang kaisipan niya (sa kung sino ang susuportahan na kandidato). Kasi kung buo na ang kaisipan niya, bakit kailangan pa niyang makipagpulong?,” dagdag pa ni Escudero.

Paliwanag ni Escudero, dahil wala pang pinal na pasya ay nananatiling bukas ang opsyon ni Pangulong Aquino sa kung sino ang susuportahang kandidato.

Bukas aniya ang Pangulong Aquino sa sinumang kandidatong makapagpapatuloy sa kaniyang mga nasimulang programa.

Samantala, ayon kay Escudero, 100 percent siyang tiyak na mag-aanunsyo si Poe ng kaniyang intensyon o magiging papel sa 2016 elections, tatakbo man siya o hindi.

Bagaman binabatikos sa kaniyang karanasan, sinabi ni Escudero na tiwala siyang kaya ni Poe na dalhin sa tamang direksyon ang bansa. / Dona Dominguez-Cargullo

Read more...