Ipinasara ng pamahalaang-lungsod ng Pasig ang isang establisyemento matapos maaktuhan ang pagdaraos ng birthday party.
Inanunsiyo ni Mayor Vico Sotto ang pagkakahuli sa 41 indibiduwal sa Royana Events Place sa Barangay Kalawaan base sa sumbong ng mga residente.
“Salamat sa ating kapulisan at pati sa concerned citizen na nag-report,” sabi ni Sotto na tinawag na matitigas ang ulo ang mga nahuli.
Isinara na ng Business and Permits Licensing Office ng Pasig City ang naturang establisyemento dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Ikinatuwiran naman ng may-ari ng establisyemento na noon pang Hunyo nai-book ang party kung kailan maluwag ang quarantine restriction sa Metro Manila.
Binigyan ng Pasig City police ng citation tickets ang mga naaktuhan sa party at kinakailangan din na sumailalim sila sa swab testing.