OFWs, posibleng makaranas ng mas maraming entry refusal dahil sa kawalan ng credible na vaccination card
Posibleng mas maraming “entry refusals” o pagtanggi na makapasok sa iba’t ibang mga bansa ang kaharapin ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs dahil sa kawalan ng “credible” o kapani-paniwalang COVID-19 vaccination cards.
Ito ang babala ni AP Partylist Rep. Ronnie Ong kasunod ng paghihigpit ng Hong Kong sa pagpasok ng OFWs dahil sa isyu ng vaccination cards.
Paliwanag ng mambabatas, hindi masisisi ang Hong Kong kung hindi nila kinikilala ang vaccination cards na ipinipresenta ng mga OFW dahil walang paraan para maberipika ang “authenticity” o pagiging tunay ng mga ito.
Dagdag ni Ong, ang pamahalaan ng Hong Kong ay may karapatang pigilan ang pagpasok ng mga dayuhan sa kanilang lugar upang maprotektahan ang kanilang mga residente mula sa COVID-19.
Pero giit ng kongresista, dapat apurahin na ng pamahalaan ang pag-iisyu ng vaccination cards o passports na “internationally recognized” o kikilalanin sa ibang mga bansa para sa mga Pilipinong “fully vaccinated” na.
Ito aniya ay sa pamamagitan ng pagsasabatas sa House Bill 8280 o panukalang Vaccination Passport Law, na inihain noong pang Disyembre ng nakaraang taon o bago pa mag-umpisa ang COVID-19 vaccine rollout.
Ayon kay Ong, inasahan na niya ang naturang scenario kaya niya isinusulong ang panukala.
Kung naging mas proactive lamang aniya ang gobyerno at noon pa’y bumuo na ng national vaccination database at national vaccination cards, wala sanang magiging problema ang mga OFW.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.