Lamat sa relasyon ng Pilipinas at Canada dahil sa pagpugot ng ASG sa isang Canadian, posible
Para kay Senatorial Candidate at Leyte Rep. Martin Romualdez, hindi malayo na magkalamat ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Canada kasunod ng pagpatay at pamumugot sa isang Canadian national ng bandidong Abu Sayyaf Group.
Ayon kay Romualdez, sadyang nakakalungkot na humantong sa kamatayan ang pangarap ni John Ridsdel na makapamuhay ng matagal at magretiro sa Pilipinas.
Kung ang mga Pilipino ay kinokondena ang krimen, tiyak aniya na mas labis ang emosyon at galit ng mga taga-Canada sa kinahinatnan ng kanilang kababayan sa kamay ng ASG.
Kaya upang maiwasan na masira ng tuluyan ang Philippines-Canada relationship, sinabi ni Romualdez na marapat na ipakita ng ating gobyerno na ginagawa nito ang lahat upang makamit ang hustisya para kay Ridsdel.
Ayon pa sa Kongresista, ngayon ang panahon na pairalin ng pamahalaan ang political will at ‘malasakit’ para matunton ang mga responsable sa pagkamatay ng nabanggit na Canadian.
Paalala ni Romualdez, kung tutuusin ay kayang-kaya naman ng gobyerno na mahuli ang mga salarin, dahil may mga gamit, access, intel sharing at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.