Duque, inatasang sagutin ang obserbasyon ng COA ukol sa P67-B COVID-19 fund
Inatasan ni Pangulong Rodritgo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na sagutin ang obserbasyon ng Commission on Audit (COA) na mayroong kakulangan ang ahensya sa paggamit sa P67 bilyong pondo para tugunan ang pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mabigat ang obserbasyon ng COA.
“Well, ang instruction po ng Presidente, saguting mabuti ang mga observation ng COA. Iba kasi itong nature ng observation ng COA ‘no. Kung sa dati-dati eh mga pulitiko lang ang mga nagbibigay ng paratang, ang COA po kasi ay isang constitutional body at talagang trabaho niyan na bantayan ang kaban ng bayan,” pahayag ni Roque.
“So importante na sagutin nang mabuti ang mga obserbasyon na ito at ang Presidente naman is withholding judgment until after makasumite ng komento ang DOH doon sa kanilang tinatawag na exit conference ‘no at magkaroon ng final report ang COA,” dagdag ng kalihim.
Pero sa ngayon, hihintayin muna aniya ni Pangulong Duterte kung ano ang magiging sagot ng DOH.
Premature aniya kung agad na magdedesisyon ang Pangulo.
“Pero ang Presidente po bilang abogado at bilang naging alkalde, alam po niya na hindi lahat ng mga paratang o observation ay nasu-sustain after sumagot ang ahensiya. Pero alam din po niya na after sumagot ang ahensiya at nagkaroon ng final observation ang COA eh mabigat po iyon dahil iyan po ang pagbabasehan ng pagsasampa ng kaso,” pahayag ni Roque.
“Pero ngayon po, premature pa po ah – sasagot pa lang po ang DOH. ‘Antayin po natin ang sagot, the President is keen to read the answers dahil medyo mabigat po ang mga obserbasyon ng COA,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.