Hamon ni Duterte na pag-pirma sa waiver, ibinalik sa kaniya

 

Edwin Bacasmas/Inquirer

Kaliwa’t kanan ang mga paghahamon ng mga katunggali ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa presidential race kaugnay sa tapat na paglalabas ng kaniyang mga bank records.

Nagsilabasan ang mga hamon kay Duterte kasunod ng pagsisiwalat ni vice presidential candidate Antonio Trillanes IV na mayroong P227 million pesos ang alkalde sa isang bangko na hindi niya idineklara sa kaniyang statement of assets, liabilities and net worth o SALN.

Una nang naghamon si Duterte noon sa kaniyang mga kapwa kandidato sa pagka-pangulo na pumirma ng waiver na maglalabas ng impormasyon sa kani-kanilang mga bank records.

Ngayon, ibinalik ang hamon na ito sa kaniya.

Ayon kay Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas, kung seryoso si Duterte sa pagpuksa sa katiwalian, dapat lang na patunayan niyang malinis ang kaniyang mga kamay sa pamamagitan ng pagpirma sa waiver at ibunyag kung saan nanggaling ang malalaking pera na nasa kaniyang account.

Para naman kay Sen. Grace Poe, bilang si Duterte ang nauna sa ganitong hamon, dapat ipakita niyang handa rin siyang gawin ito.

Dito rin aniya mapapatunayan ni Duterte na handa siyang tumupad sa kaniyang mga pangako.

Inulit naman ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang kanilang hamon sa mga katunggali na payagan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kanilang mga bank accounts, pati na ng mga miyembro ng kanilang pamilya.

Noong March 20, pumirma si Binay ng isang waiver na nagbibigay pahintulot sa AMLC na buklatin ang account niya at ng kaniyang asawa at mga anak.

Para naman kay Trillanes, madali lang naman ang paraan para mapatunayan ni Duterte na walang katotohanan ang mga ibinabatong akusasyon sa kaniya.

Kailangan lang niyang pumirma ng waiver at kung wala namang makikitang anomalya, mapapahiya niya pa si Trillanes sa paglalabas ng maling akusasyon.

Paninindigan pa ni Trillanes, ilang beses na niyang ginawa ang magsiwalat ng anomalya, ngunit kailanman ay hindi pa napapahiya sa mga ito dahil lumalabas rin ang katotohanan.

Tiniyak naman ni Duterte na wala siyang balak makipaglaro kay Trillanes, at pahihirapan niya pa ang senador sa kaniyang hamon na patunayang totoo ang ibinabato nitong akusasyon sa alkalde.

Ayon naman sa ka-tandem ni Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano, isa lamang itong hakbang para pabagsakin ang kandidatura ng alkalde at para iangat ang pambato ni Trillanes na si Sen. Grace Poe.

Read more...