ECQ ‘Skeletal Workforce’ order ng Malakanyang dinedema sa BOC – NAIA
Nangangamba ngayon sa kanilang kalusugan ang maraming kawani ng Bureau of Customs – Port of NAIA dahil sa hindi pagsunod ng kanilang pamunuan sa utos ng Malakanyang.
Ayon sa mga kawani noon pang nakaraang Agosto 3 ang petsa ng Memorandum Circular 87 na nag-aatas sa mga namumuno ng mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng ‘skeleton workforce’ kasabay nang pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Nakasaad anila sa memorandum na pirmado ni Executive Sec. Salvador Medialdea na hindi lang dapat bumaba sa 20 porsiyento ang naka-duty na mga kawani upang hindi maapektuhan ang operasyon.
Ngunit sinabi ng mga kawani na higit isang linggo na ay hindi pa rin nakakasunod si BOC -NAIA District Collector Carmelita Talusan at ito ang labis nilang ipinagtataka.
Bagamat anila maging si Customs Comm. Rey Guerrero ay wala pa rin memorandum kaugnay sa utos ng Malakanyang.
Nakasaad sa nabanggit na memorandum na ang mga ahensiya ay maaring magpatupad ng work from home arrangement.
“The skeleton workforce, as determined by the agency, shall be immediately implemented upon the onset of ECQ, provided that department head may, at any time, direct the modification of the submitted on-site capacity or related arrangements, as health considerations and the exigencies of the service may require,” ang sabi sa naturang kautusan.
Sa ngayon, binabalak na rin ng mga kawani na humingi ng paglilinaw sa Civil Service Commission (CSC) ukol sa hindi pagpapatupad sa kawanihan ng utos ng Malakanyang.
Diin nila, nangangamba sila para sa kanilang kalusugan, maging sa kaligtasan ng kanilang pamilya, ngayon tumitindi ang banta ng mas mapanganib na Delta variant ng COVID 19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.