Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na tiyaking hindi magiging “super spreader event” ang pamamahagi ng cash aid sa Metro Manila.
Kasabay ito ng pagsisimula ng ilang lokal na pamahalaan sa NCR sa distribusyon ng cash assistance sa mga low-income families sa araw ng Miyerkules, August 11.
“Ang pangunahing bilin natin sa ating mga pulis ay siguraduhing hindi maging super spreader events itong pamamahagi ng ayuda sa ating mga kababayan. Alam naman natin na kailangan ng mga residente ang tulong ngayong ECQ kaya’t hindi malayong dagsain talaga ito,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag nito, “Dito papasok ang ating kapulisan para siguraduhing nasusunod ang minimum public health safety standards at quarantine protocols lalo na ang social distancing at ang pagsusuot ng face masks at face shields.
Binanggit ng hepe ng pambansang pulisya ang insidente noong nakaraang linggo kung saan kinailangang kanselahin ang pagbabakuna sa ilang parte ng NCR dahil sa pagdagsa ng mga tao.
“Hindi dapat mangyari sa cash aid distribution ang nangyari nitong nakaraang linggo sa iba’t-ibang vaccination centers kung saan dinumog ng mga tao,” saad ni Eleazar.
Dapat aniya may kamalayan ang mga pulis sa schedule at sistema ng pamamahagi.
“Nakikipagugnayan din tayo sa mga LGU officials dahil sila ang mangunguna sa pagbibigay ng ayuda. Ang magiging papel ng kapulisan sa cash aid distribution ay ang magbigay ng seguridad at tiyaking maayos ang proseso ng bigayan ng ayuda,” ani Eleazar.