1996 Olympic silver medalist Onyok Velasco, bibigyan ng P500,000 ng Palasyo

AFP photo

Sasaluhin ng Palasyo ng Malakanyang ang bahagi ng mga pangako kay Filipino boxer Mansueto ‘Onyok’ Velasco na hindi natupad nang makasungkit ito ng silver medal sa 1996 Atlanta Olympics.

Ito ang tiniyak ni Sen. Christopher Go bagamat aniya, mahigit dalawang dekada na nang maghatid din ng karangalan sa Pilipinas si Velasco.

Ayon kay Go, inaasikaso na sa Office of the President ang ibibigay na kalahating milyong piso kay Velasco.

“Kapag may binitawang salita, dapat tuparin! Iyan po ang ugali namin ni Pangulong Duterte. Bagama’t nangyari naman ito more than twenty years ago at wala naman kaming kinalaman sa mga napangako sa kanya noon, nais ko lang hanapan ng paraan na maresolba ito sa panahon ni Pangulong Duterte,” diin ng senador.

Sa panayam sa kanya, naibahagi ni Velasco na hindi naibigay sa kanya ang P2.5 milyong ipinangako sa kanya ng ilang kongresista noon maging ang scholarship sa kanyang mga anak.

Ang isang pribadong indibiduwal na nangako na magbibigay sa kanya ng P10,000 kada buwan habang siya ay nabubuhay ay isang taon lang na tumupad.

“Bagama’t hindi natin maibibigay lahat ng ipinangako sa kanya noon, kahit papaano ay bigyan natin si Onyok ng pagkilala ngayon at dagdag na tulong. Tandaan natin na ang kanyang pagkapanalo ilang dekada na ang nakalipas ay naging inspirasyon rin para sa mga atleta nating nagtagumpay ngayon,” dagdag pa ni Go.

Read more...