PNP Chief Eleazar, pinaalalahanan ang mga pulis na sundin ang mga panuntunan sa pag-aresto tuwing ECQ
Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng pulis na istriktong sundin ang mga panuntunan at proseso sa pag-aresto sa mga lumalabag tuwing Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Kasunod ito ng apela ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga awtoridad na tumalima sa protocols kapag may huhulihin.
Tiniyak ng hepe ng pambansang pulisya sa publiko na laging susundin ng kanilang hanay ang rule of law sa pag-aresto ng mga violator.
“Sinisiguro kong susundin ng ating kapulisan ang mga nakasaad sa guidelines na pinirmahan ng DOJ at DILG (Department of the Interior and Local Government) tungkol sa paghandle ng mga insidente ng health protocol violations,” pahayag ni Eleazar.
“Mahigpit din susundin ng kapulisan ang nakasaad sa mga ordinansa,” dagdag pa nito.
Noong Hunyo, pinirmahan ng DOJ at DILG ang internal guidelines para mga awtoridad at ahensya ng gobyerno ukol sa health protocol violations sa gita ng community quarantine.
“Agad pananagutin ng PNP ang mga pulis na magmamalabis o aabuso sa pagpapatupad ng guidelines. Mahalaga na pairalin ng ating kapulisan ang maximum tolerance at courtesy sa pagsita sa mga quarantine violators,” saad ng PNP Chief.
Aniya pa, “Ang patuloy naman na pakiusap natin sa publiko ay ang kanilang pang-unawa sa aming tungkuling ipatupad ang batas. Magtulungan tayong pigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.