DBM, may inilaang pondo para sa ayuda sa mga apektado ng ECQ sa Laguna at Bataan

By Chona Yu August 10, 2021 - 03:49 PM

Manila PIO photo

May inilaang pondo ang Department of Budget and Management (DBM) na ayuda sa mga residenteng apektado ng pandemya sa COVID-19 sa Laguna at Bataan na nakasailalim din sa lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni DBM spokesman Assistant Secretary Rolly Toledo na aabot sa P2.715 bilyon ang ayuda para sa mga residente sa Laguna.

Aabot naman sa P700 milyong ayuda ang nakalaan para sa Bataan.

Ayon kay Toledo, pinadala na aniya ang memorandum kay Pangulong Rodrigo Duterte para maaprubahan ang naturang pondo.

“Sa ngayon po, iyong para sa Laguna po ay na-determine na po ang amount na around 2.715 billion at doon din po sa Bataan na-determine na po, that’s around 700 billion [sic] at ito po ay ipinadala na po namin iyong memorandum to the President para maaprubahan po iyan at pagkatapos po iyan ay iri-release na rin po natin sa mga LGUs sa ating Lalawigan ng Bataan at Laguna,” pahayag ni Toledo.

Ayon kay Toledo, nadetermina ang naturang halaga base sa isinumiteng assessment ng local government unit at Department of the Interior and Local Government.

Kapag naaprubahan aniya ng Pangulo ang memorandum, agad na ibibigay ang pondo sa LGUs para agad na maipamahagi sa mga benepisyaryo.

Sa araw ng Huwebes aniya o Biyermes ay maaring mai-release ang pondo.

“Iyong para sa Bataan at saka sa Laguna po, nabanggit ko po kanina na ito po ay hinihingan pa po namin ng approval from the Office of the President. So, sa amin naman po sa DBM nakahanda na po kami, hinihintay lang po iyong approval ng ating Presidente na i-release po natin iyong alokasyon para sa Bataan at Laguna,” pahayag ni Toledo.

“And hopefully if the approval will be received today ay mai-release na rin po namin ngayong araw na ito o siguro pinaka-latest na po bukas ng umaga po para of course, maumpisahan na rin ng ating mga LGUs sa Laguna at Bataan,” dagdag ng opisyal.

Umiiral ang ECQ sa Laguna mula August 6 hanggang 15 habang umiiral naman ang ECQ sa Bataan mula August 8 hanggang 22.

Matatandaang inilabas na rin ng DBM ang P10.98 bilyong pondo na ipinapang-ayuda sa mga residenteng apektado ng ECQ sa Metro Manila.

Galing aniya ang pondo sa certified savings noong fiscal year 2020.

TAGS: ECQagain, ECQayuda, InquirerNews, RadyoInquirerOnline, ECQagain, ECQayuda, InquirerNews, RadyoInquirerOnline

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.