Nadagdagan ng sampu ang mga barangay na apektado pa rin hanggang ngayon ng African Swine Fever (ASF).
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary William Dar sa nagpapatuloy na joint hearing ng Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry kaugnay sa presyo pa rin ng karneng baboy at iba pang food commodities.
Ayon kay Dar, 29 pa ang mga barangay na naitala sa ngayon ang may aktibong kaso ng ASF sa bansa, mas mataas sa 19 na barangay na naitala noong Hunyo.
Nauna na ring nabanggit ng kalihim na sa nakalipas na 90 araw ay wala pang nai-re-report na bagong kaso mula sa 468 munisipalidad sa buong bansa.
Magkagayunman, aminado si Dar na marami pa ang dapat na gawin para tuluyang mapuksa ang ASF sa bansa.
Patuloy aniya ang pagpapaigting pa sa kampanya sa pagbangon ng hog industry sa bansa, gayundin ang pagbabakuna sa mga alagang baboy, at ang kanilang surveillance and monitoring efforts para mapatatag ang suplay at presyuhan ng karneng baboy sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang presyuhan ng karneng baboy sa wet market ay P320-P330/kilo para sa kasim na bumaba na mula sa P340-P350 at liempo sa P360/kilo mula sa P370-P400.
Samantala, sa frozen pork meat sa mga groceries ay pumapatak sa P220-P250 kada kilo sa liempo, P220-P230/kilo sa kasim at P250/kilo naman sa ground pork.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.