Kamara magiging patas sa imbestigasyon laban sa OCTA Research Group
By: Erwin Aguilon
- 3 years ago
Siniguro ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Michael Aglipay na magiging patas ang gagawing imbestigasyon ng Kamara sa OCTA Research Group.
Ayon kay Aglipay, bilang pinuno ng komite na magsasagawa ng imbestigasyon ay hindi niya muna huhusgahan ang motibo ng mga may-akda ng imbestigasyon.
Sinabi nito na ipinapakita lamang ng gagawing pagsisiyasat kung gaano kahalaga na mabusisi ang usapin sa OCTA at sa mga pagaaral na isinagawa ng grupo lalo pa’t aabot sa P1 trillion ang nawala sa ekonomiya ng bansa sa unang enhanced community quarantine (ECQ) noong March hanggang May 2020.
Bagamat hindi pa naire-refer sa Committee on Good Government and Public Accountability ang House Resolution 2075, siniguro ni Aglipay na sa oras na maisumite ito sa kanyang komite ay agad nilang aaksyunan ito.
Ang reaksyon ay ginawa ni Aglipay kasunod ng pagtuligsa ni Senator Richard Gordon sa gagawing imbestigasyon ng Kamara sa Octa research team na kanyang tinawag na isang kalokohan.