Hiniling ni Senator Francis Pangilinan sa Commission on Elections (Comelec) na ikunsidera ang pagkambiyo sa hindi pagpapalawig ng voter’s registration.
Ayon kay Pangilinan bunga ng enhanced community quarantine (ECQ), dalawang linggo sa dapat na pagpapa-rehistro ng mga botante ang mawawala.
Una nang sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi napag-usapan ng commission en banc ang extension ng voter’s registration.
Ikinatuwiran ni Jimenez na ikinunsidera ang paghahain na ng certificate of candidacies (COCs) sa Oktubre kasabay ng paghahanda na ng master list ng mga rehistradong botante.
Sinabi naman ni Pangilinan na kahit maibalik lang ang dalawang linggong nawala dahil sa ECQ ay sapat na para madagdagan pa ang mga nais makaboto simula sa eleksyon sa susunod na taon.
Inihirit din ng senador sa Comelec na dagdagan pa ang satellite registration sites, gayundin ang extension sa oras ng pagpapa-rehistro tuwing weekend.