Iginiit ni AP Partylist Representative Ronnie Ong na panahon na upang isama ng pamahalaan sa COVID-19 vaccination program ang mga kabataan sa bansa. Ayon kay Ong, kailangang pag-aralang mabuti ang bakunahan sa mga kabataan partikular sa mga edad 12 hanggang 17-anyos dahil marami sa kanila ang nagkakasakit na ng COVID-19. Kung mayroon na aniyang matibay na ebidensya at may sapat na pag-aaral na may COVID-19 vaccine na uubra na sa nabanggit na age group ay mainam nang ikasa ang bakunahan para sa mga kabataan lalo na ang may comorbidities o may nararanasang sakit. Inihalimbawa ni Ong ang bakuna ng Pfizer, na naisyuhan ng “authorization” sa Estados Unidos para sa pediatric at adolescent vaccinations. Nauna ng sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na tinitingnan na ng gobyerno na mabakunahan na ang 12 hanggang 17-anyos sa Setyembre o Oktubre dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19 pero naka-depende pa rin ito sa supply ng mga bakuna. Pahayag ito ni Ong, sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan umaakyat na rin ang bilang ng mga kabataan tinatamaan ng sakit.
MOST READ
LATEST STORIES