Social services budget dapat dagdagan, security budget gawing ayuda – Drilon
Nanawagan si Senate Minority Leader Frank Drilon na dagdagan ang pondo para sa social services sa isusumiteng National Expenditure Program (NEP) ng Malakanyang.
Gayundin, sabi pa ni Drilon, ang pondong pang-seguridad ay maari naman ilipat sa gastusin ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya, kasama na ang pagbibigay ng ayuda.
Ayon pa kay Drilon maaring ikunsidera ng gobyerno na pag-aralan ang ihihirit na ‘defense budget’ sa susunod na taon bunsod ng isyu sa paggamit ng pambansang pondo, gayundin ang sumisirit na utang na gobyerno.
Puna niya, sa ilalim ng administrasyong-Duterte, paliit nang paliit ang pondo sa social services sector, ngunit lumulubo naman sa defense sector.
Paniwala ni Drilon, kung talagang nais ng gobyerno na mapabilis ang pagpapasigla muli ng ekonomiya, dapat gastusan ang pagtugon sa kahirapan, kawalan ng trabaho at gutom.
Binanggit nito na ang inilaan na P19.2 bilyon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ngayon taon at nais doblehin sa susunod na taon.
Ayon kay Drilon walang senyales na magkakaroon ng pondo para sa pagbibigay ng ayuda sa 2022 national budget tulad ngayon taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.