Matapos ang pagpalya ng hybrid poll system o PATAS (Precint Automatic Tallying System), humantong sa desisyon ang Commission on Elections (Comelec) na hindi ito gamitin sa 2016 elections.
Sa pagdinig ng House Suffrage Committee noong Huwebes (Hulyo 9), inamin ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim na hindi pa handa ang poll body na gamitin ang PATAS dahil kailangan pa nitong dumaan sa masusing pagsusuri.
Sa isinagawang mock election sa Bacoor Cavite noong Hunyo 27, pumalya ang PATAS kung saan umabot ng mahigit 40 minuto bago mabilang ang 20 balota.
Dagdag ni Lim na hindi na ito aabot sa 2016 elections dahil wala ng sapat na panahon para makagawa ng bagong batas na magtatakda ng paggamit nito.
Wala rin aniyang sapat na pondo ang Comelec para sa mga optical mark readers na kinakailangan ng hybrid poll system.
Tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P2.5 billion ang kinakailangan para makabili ng 23,000 units ng optical mark readers habang P7.8 billion naman ang kailangan para sa 7,097 units.
Isa ang PATAS sa mga pinagpipilian ng Comelec na gamitin sa 2016 elections habang hindi pa naisasaayos ang mahigit 82,000 na mga PCOS machines.
Sa ilalim ng PATAS, mano-manong bibilangin ang boto habang ang resulta ay ipapadala sa pamamagitan ng electronic transmission./ Fredmore Cavan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.