P625,000 halaga ng smuggled na sigarilyo, nasamsam sa Basilan

Screengrab from PCG Station Basih-Balan’s video

Nasamsam ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Basih-Balan ang 16 kahon ng mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱625,000 sa Lamitan City, Basilan.

Lulan ang mga kontrabando ng jungkong-type boat, MPB KUMALAH.

Ayon kay PCG Station Basih-Balan Commander Havelino Salih, nagkasa sila ng anti-smuggling operations matapos makatanggap ng intelligence report na isang bangka ang magbababa ng undocumented cargoes sa Barangay Matibay.

Huli sa akto ang apat na crew members na ibinababa ang mga kontrabando.

Dinala ang mga kontrabando at mga suspek sa PCG Sub-Station Lamitan para sa inspeksyon, inventory, at profiling.

Sa isinagawang imbestigasyon, nadiskubre ng Vessel Safety Enforcement Inspection (VSEI) na umalis ang MPB KUMALAH sa Jolo, Sulu at patungo sa Lamitan City, Basilan.

Mayroong valid vessel certificates ang bangka ngunit kulang ng proper markings na paglabag sa Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular Number 2017 – 001 ukol sa implementasyon ng Safety, Security, and Environmental Numbering (SSEN) System ng PCG para sa watercraft.

Nai-turnover na ang kontrabando sa Bureau of Customs (BOC) para sa documentation bago sirain.

Sa ngayon, ang nahuling bangka ay nasa kustodiya ng PCG Station Basih-Balan, habang nakatutok naman ang BOC ang pagsasampa ng mga kinakailangang kaso laban sa mga suspek.

Read more...