Pamamahagi ng ayuda sa mga lugar na nasa ECQ, posibleng masimulan sa susunod na linggo – DILG

QC LGU photo

Maaring masimulan na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa mga residenteng apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila na umiiral na simula August 6 hanggang 20.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, inaasahan kasi nilang mailalabas na sa araw ng Biyernes, August 6, ng Department of Budget and Management (DBM) ang SARO o Special Allotment Release Order at NCA o Notice of Cash Allocation para sa ayuda.

Sa ngayon, sinabi ni Malaya na hinihintay na lamang na mailabas ang local budget circular para maibigay na sa DILG, DSWD at DND ang guidelines para sa gagamiting sistema sa pamamahagi ng ayuda.

Kasabay nito ay umapela si Malaya sa publiko na bigyan ng panahon ang mga lolal na pamahalaan na maihanda ang kanilang sistema, kasama rito ang pagsiset-up ng distribution points, pag-mobilize sa disbursing officers at iba pang mga personnel ng barangay at pulis na magbabantay sa gagawing pamamahagi ng ayuda.

Kailangan din aniyang ikonsidera ang mismong perang ipamamahagi, kasi kahit nasa bangko na aniya ang pondo kung wala naman itong ganun karaming paper bills ay maaaring magdulot din ng konting panahon ng pagkaantala ng distribusyon.

Aabot sa P13.1 bilyong pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa ayuda.

Tinatayang nasa 10.7 milyong residente sa Metro Manila ang makatatanggap ng ayuda.

P1,000 hanggang P4,000 ang maaring matanggap na ayuda ng bawat pamilya depende sa dami ng miyembro.

Bukod sa Metro Manila, nasa ECQ din ang Laguna, Cagayan de Oro at Iloilo City hanggang August 15, 2021.

Read more...