Pinuno ng Comelec dismayado sa hindi tuloy na mall voting

By Den Macaranas April 27, 2016 - 05:15 PM

Andres-Bautista-1012
Inquirer file photo

Aminado si Comelec Chairman Andres Bautista na siya mismo ay nanghihinayang sa hindi na natuloy na mall voting para sa May 9 elections.

Sa ginawang en banc session kahapon ay muling nagbotohan ang mga commissioners ng Comelec at sa botong 4-3 ay ibinasura na nila ng tuluyan ang mall voting.

Noong nakalipas na March 10 ay una nang pinagtibay ng poll body sa botong 6-1 ang nasabing panukala.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Bautista na kakapusin sa panahon ang Comelec kung maglilipat pa ng mga gamit sa mall para sa darating na halalan.

Nauna dito ay sinabi ng komisyon na aabot sa 231,174 voters ang sana’y makikinabang sa botohan sa loob ng mga shopping malls.

Kabilang sa nasabing bilang ang 28,136 na mga senior citizens at 876 na mga PWDs o Persons With Disabilities.

Sakop ng panukalang mall voting ang 80 malls napag-aari ng sampung kumpanya sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Nakapaloob dito ang may 1,597 na mga presinto ang 337 na cluster precincts.

Kabilang sa mga malls na partner ng Comelec sa proyekto ay ang Gaisano Mall, City Mall, SM, Robinsons, Ayala Malls, Pacific Malls, Waltermart, CB Malls, Sta. Lucia Malls at Fisher Mall.

TAGS: 2016 elections, bautista, comelec, mall voting, 2016 elections, bautista, comelec, mall voting

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.