Inutusan ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang kanyang police commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal opisyal kaugnay sa kani-kanilang sistema at proseso sa pagpapabakuna.
Kasunod ito ng mga ulat ng kaguluhan, kalituhan at pagdagsa sa vaccination centers, na pinangangambahan na maging ‘super spreader event.’
Napuna ng pambansang pulisya ang pagdagsa ng mga tao sa vaccination centers kayat hindi na nasunod ang health and safety protocols, partikular na ang social distancing.
“Mahalagang malaman ng ating kapulisan ang sistema at paraan ng bakunahan sa bawat lugar para makapaghanda ng sapat na bilang ng personnel na magbabantay dito,” sabi ng hepe ng pambansang pulisya.
Inatasan din ang kanyang regional directors na bumuo ng isang quick-reaction force na maaring agad makaresponde sa overcrowded vaccination centers.