Habagat, patuloy na magdadala ng pag-ulan sa bansa

DOST PAGASA satellite image

Nakakaapekto pa rin ang Southwest Monsoon o Habagat sa buong bahagi ng bansa.

Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, ang naturang weather system pa rin ang magdudulot ng mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay mabigat na pag-ulan sa Zambales, Bataan, Pangasinan, at La Union.

Magiging maulap naman ang kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Metro Manila, CAR, at nalalabing bahagi ng Ilocos region at Central Luzon, at Babuyan Islands, Batanes, Rizal, Cavite, Batangas, Occidetal Mindoro.

Sa bahagi ng Visayas at Mindanao, iiral ang isolated rainshowers.

Sa ngayon, may apat na bagyong binabantayan ang PAGASA.

Narito ang lokasyon ng mga bagyo; Tropical Storm Lupit sa layong 575 kilometers West Northwest ng Itbayat, Batanes; Tropical Storm Mirinae sa layong 975 kilometers Northeast ng extreme Northern Luzon; Tropical Depression sa layong 1,900 kilometers Northeast ng extreme Northern Luzon; Severe Tropical Storm Nida sa layong 2,925 kilometers East Northeast ng extreme Northern Luzon.

Wala aniyang direktang epekto ang mga bagyo sa kalupaan ng bansa.

Sinabi rin ni Clauren na papalayo ang pagkilos ng mga bagyo kung kaya’t hindi inaasahang papasok sa loob ng Philippine Area of Responsiblity (PAR).

Read more...