Nagpahayag ng kanyang pangamba sa pambansang seguridad si Senator Francis Tolentino kung papayagan ang ‘full control and operation’ ng banyagang kompaniya sa toll expressways sa bansa.
Ipinaliwanag ni Tolentino ang kanyang posisyon sa kanyang interpelasyon sa Senate Bill No. 2094 na layon amyendahan ang Public Service Act.
Isinalarawan nito ang toll expressways na ‘ugat’ ng ekonomiya ng bansa dahil ang mga ito ang dinadaluyan ng mga tao, produkto at serbisyo kayat nababahala siya na kapag nakontrol ng mga banyaga ang ito ay maaring magkaroon ng implikasyon sa pambasang seguridad.
Delikado aniya kung papayagan ang mga banyagang korporasyon na magtayo at mag-operate ng expressways sa mga pasilidad at instalasyon ng militar o sa mga malapit sa power plants at dams.
Nabanggit pa niya ang pakikipag-agawan ng teritoryo ng Pilipinas sa China at aniya maaring ang mga korporasyon na pag-aari ng China ay magkaroon ng interes sa toll expressways sa bansa.
“Any major blockage or shutting down of tollways would effectively derail the economy and paralyze the government’s disaster and emergency response,” dagdag pa nito.
Naninindigan si Tolentino na ang pagpapatayo at operasyon ng expressways ay dapat manatili sa kamay ng mga korporasyon na mayoryang pag-aari ng mga Filipino.