20 Colasisi o Philippine Hanging Parrots, nailigtas sa Koronadal City; 2 illegal wildlife traders, arestado
Naaresto ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 12 at Philippine National Police (PNP) ang dalawang hinihinalang illegal wildlife traders sa Koronadal City noong July 28.
Ayon kay DENR-12 Assistant Regional Director for Technical Services Engr. Mama Samaon, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa umano’y pagbebenta ng Philippine Hanging
Parrots o Colasisi sa pamamagitan ng social media.
Agad ipinag-utos ni Forester Dirie Macabaning, pinuno ng DENR-12 Enforcement Division, ang pagkakasa ng imbestigasyon sa hinihinalang online wildlife trafficking.
Dalawang suspek mula sa Tampakan, South Cotabato ang nahuli ng DENR-12 Enforcement Division, katuwang ang Koronadal City Police Station, sa ikinasang entrapment operation.
Nakuha sa dalawang suspek ang 20 Colasisi.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Dinala naman ang mga parrot sa DENR-12 Regional Widlife Rescue Center sa Sultan Kudarat State University Lutayan Campus.
Inabisuhan ang publiko na agad i-report ang anumang illegal wildlife trade at iba pang environmental crimes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.