Nagbaba ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa mga police unit na magsagawa ng imbestigasyon at maging mapagmatyag laban sa posibleng pag-hoard ng oxygen tanks at iba pang medical supplies sa gitna ng banta ng COVID-19.
Inilabas ang naturang kautusan matapos umapela si Cebu City Vice Mayor Michael Rama sa pulisya at sa Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa hinihinalang hoarding ng oxygen tanks.
“Makikipagugnayan at tulungan ang PNP sa DTI para silipin ang sinasabing hoarding ng oxygen tanks, lalo na sa Cebu City,” pahayag ni Eleazar.
“I have directed the Cebu City Police and the Regional Criminal Investigation and Detection Group to closely coordinate with the DTI office in the area and look into this report of hoarding,” dagdag pa ng PNP Chief.
Sinabi rin ng hepe ng PNP na titignan din nila kung may mga insidente ng hoarding ng oxygen tanks at iba pang medical supplies sa National Capital Region at iba pang parte ng bansa.
“Pati dito sa Metro Manila ay aalamin din natin kung may mga ganitong insidente. Ngayon natin mas kailangan ng sapat na suplay ng oxygen tanks dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases dahil na rin sa mas nakahahawang Delta variant,” saad nito.
Hinikayat naman ni Eleazar ang publiko na iwasan ang pag-hoard ng oxygen tanks at iba pang medical supplies.
“Hindi biro ang sitwasyon natin ngayon. Mga buhay ang nakasalalay sa sapat na suplay ng oxygen tanks. Mas kailangan natin ngayon ang pagkakaisa para pagtulungang mapigilan ang pagdami pa ng kaso ng COVID-19 sa bansa,” apela nito.