Dagdag na bakuna sa mga nasa labas ng NCR, hiniling
Hinimok ni Assistant Majority Leader Fidel Nograles ang pamahalaan na bigyan ng dagdag na doses ng COVID-19 vaccines ang mga probinsya sa labas ng National Capital Region (NCR).
Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng pagpayag ng gobyerno sa hiling ng Metro Manila Mayors na bigyan sila ng dagdag na alokasyon na apat na milyong doses ng bakuna.
Ayon kay Nograles, bagamat nauunawaan niya ang hirit ng Metro Manila Mayors ay dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), pero hindi naman dapat isantabi na ang ibang lugar at probinsya sa labas ng NCR ay nasa ilalim din ng lockdown na General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions.
Para sa kongresista, ECQ o GCQ ay pareho lamang din na mahigpit na community restrictions dahil isinailalim ang mga lugar sa mga nabanggit na lockdown bunsod pa rin ng pagtaas ng Delta variant.
Dagdag pa dito ay ipinarerekonsidera rin ng mambabatas ang mahigpit na checkpoints sa kasagsagan ng ECQ.
Kailangan aniyang makaisip ng paraan upang maiwasan na maging chokepoints at magmistulang super-spreader event na parang may mass gathering sa siksikan at haba ng pila ang mga ilalagay na checkpoints.
Mahalaga aniyang isaisip na bukod sa mga APOR ay kabilang rin sa mga pinapayagang makalabas ng bahay sa ilalim ng ECQ at GCQ ay ang mga taong may schedule ng bakuna at mahalagang mabigyan sila ng mabilis na access sa mga lugar upang mabilis ring makakamit ang herd immunity.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.