8pm – 4am curfew hours sa Metro Manila simula Agosto 6; Ilang lungsod nagdeklara na ng liquor ban

Kasabay nang pagpapairal muli ng enhanced community quarantine sa darating na Biyernes, Agosto 6, mas mahabang curfew hours ang ipapatupad sa Metro Manila.

 

Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos sang-ayon ang 17 mayors ng Metro Manila na magpatupad ng curfew simula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

 

Base sa MMDA Resolution No. 21-16, ang mas mahabang curfew ay dahil sa pag-iral ng ECQ bunga naman ng tumataas na bilang ng kaso ng Delta variant ng COVID 19.

 

Nagkaisa ang Metro Manila Council na may matinding pangangailangan na malimitan ang galaw ng mga tao kasabay na rin ng pagpapaigting ng vaccination campaign ng mga lokal na pamahalaan.

 

Tanging mga authorized persons outside residence (APOR) lang ang maaring nasa labas ng bahay habang umiiral ang curfew, gayundin ang mga magtutungo sa vaccination centers para sa kanilang COVID 19 vaccine.

 

Kabilang sa mga maari nilang ipakita sa awtoridad ay ang kanilang quarantine pass.

 

Samantala, sinabi ni Abalos na nasa diskresyon na ng LGUs kung magpapatupad ng liquor ban kasabay nang pag-iral ng ECQ.

 

Binanggit nito na una nang nag-anunsiyo ang mga opisyal ng mga lungsod ng Valenzuela, Mandaluyong, Parañaque, Pasay, Navotas, Quezon City, at San Juan at gayundin ang bayan ng Pateros na ipagbabawal nila ang pagbebenta ng alak mula Agosto 6 hanggang Agosto 20.

Read more...